Posted by: thecommuterexpress | August 3, 2007

Laman sa lamon muli

‘TINATANGGAP namin sa biyayang ito ang higit pang talino…’

Kasunod na ang wish list sa nakagawian kong pagbasbas o saying of grace sa anumang nakahaing biyaya sa hapag, kahit nagpapakaing dilag nakatihaya sa lapag.

Kapag hinimay ang kabuuan ng dasal bago dumulog o bumulog, dinagdagan lang talaga ng konting sahog ang dalangin ni Jabez— “Oh, that you would bless me and enlarge my territory! Let your hand be with me, and keep me from harm so that I will be free from pain.” (And God granted his request.)

Nakagawian na ring kala-hati ng pagkain ko sa hapag, ibinibigay sa mga alagang pusa.

Nadadamay yata ang mga lekat sa bisa ng mga pasasalamat pati mga kahilingang inilahad sa bawat pagbasbas. Hindi naman kasi para sa nilalang na tao lang ang bisa ng basbas sa pagkain. Hindi rin kasi tao lang ang nilalang na marunong kumain.

Kasi nga, natutupad ang bawat naisin batay sa tindi ng sariling pananalig. Kahit nga ang hinahangaan nating si Albert Einstein, iginiit na ubra kang maniwala na karaniwan at walang kulay ang usad ng sariling pamumuhay. Idi-nagdag: maaari ring tanggapin na tigib sa mga himala’t mahika ang paghagibis at pagpailanlang ng angking pamumuhay. Pinili ang ikalawa. Mas masaya. Mas makulay pa.

Nadadawit nga yata ang mga pusang alaga.

Pinaghihinalaan ni misis na ang itim na barakong si Kwan Yin ang nagbubukas ng hurno. Hindi niya malaman kung paano magagawa ng pusa ang ganoon—get a grip on the oven door panel handle, then bring panel down, get whatever the goodies inside.

Nahuli in flagrante delicious ang mga pusa na agawan sa pagsagpang sa hinurnong manok o roast chicken—na kalalagay lang niya sa hurno. Pinagpupukpok ang mga lekat.

Nasaksihan na niya minsan kung paanong binuksan naman ng itim na inang Pin Yin ang oven toaster. Pan de sal ang naibigang pakialaman ng lekat. Sa halip na tinapay ang nalantakan, sampiga sa ulo ang natikman ng inang pusa. Sinampiga ni misis.

Paborito ko sa kanila si Bruce Wayne Batman. O Bhattman. Hinango ang pangalan sa bathaluman ng mga pusa sa Egyptian cosmology. O Bahtman na halaw naman sa umiiral na salapi sa Thailand. Madalas ding masampiga ni misis ang lekat.

Uling ang una kong ibinansag sa lekat. Siya ang bunso, panganay si Luling—para naman may taginting ng himig ang pangalan ng dalawa na isinilang ng puting si Shampoo sa gawing timog silangan ng aming tahanan. Iyon ang dakong tulugan ni Kukudyu (the third in our brood of four magnificent children) kaya agad naisip na pangitain iyon ng darating na mga biyaya sa kanya. Hindi naman sumablay ang sapantaha. Mas mataas na ang sahod ni Kukudyu. At mas intellectually challenging ang kanyang bagong trabaho.

Isinilang si Bhattman ilang araw makapasok ang Taon ng OINK (o irog na kinaplog o Year of the Pig). Tinampahan ng manugang na hilaw (ah, she’s a big fan of this column) ang putim-puting si Luling, dinala sa kanilang tahanan sa Pangasinan. Spoiled na spoiled daw ang lekat. Sagana naman sa sampiga kay misis si Bhattman.

Magaang na daloy ng salapi ang hatid ng pusang puti. Batay ito sa feng shui. Lalo marahil ang tulad ni Luling na sa gawing timog silangan isinilang. Iyon ang dako ng material prosperity and possessions, ayon din sa feng shui. Kaya talagang alagang alaga raw si Luling—naniniwala kasi ang mga magulang ng hilaw na manugang sa feng shui.

Pera at poder naman ang ibinabadya ng pusang katulad ni Bhattman—pero hindi naman siya spoiled sa bahay, sagana pa nga sa sampiga.

Nagkakasapantaha minsan na may iwing talino ang lekat. Dahil nauunawa yata ang mga atas sa kanya. O baka pati siya’y tinatablan na rin ng bisa ng basbas sa aming pagkain.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: