Posted by: thecommuterexpress | July 30, 2007

Industriya ng komiks sa Pinas muling bubuhayin

Hebigat ni Benjie Felipe

MAKAKA-RELATE ang ating mga tsongkikoy at tsangkikay kapag babanggitin natin ang maraming mga pangalang gaya ng Nestor Malgapo, Karl Komendador, Louie at Joey Celerio (mga anak ng yumaong national artist na si Levi Celerio), Hal Santiago, Abe Ocampo, Nar Castro, Rico Rival, Steve Gan, Rod Santiago, Jim Fernandez, Jun at Rod Lafamia, Christian Santiago, Thor Infante, Jose Mari at Tony Mungcal, Vincent Kua Jr., Gilda Olvidado, Joe Lad Santos, Nerrisa Cabral, Elena Patron, Citadel Mariano, Vic Poblete, Ofelia Angeles at Mike Relon Makiling at ang aming uncle na si Nestor Redondo na nasa ibang bansa na.

Alam ng mga tsongkibabes at tsangkibabes natin na ang ugat ng mga pangalang ito ay komiks. Pero ba’t pa natin pahihirapin ang paglalarawan ng komik sa bansang Pilipinas, isang pangalan lamang ang dapat banggitin at tiyak na sasaludo ang lahat ng dalawang kamay – Carlo J. Caparas, ang hari ng komiks sa buong Pilipinas!

Hebigat talaga ang mega director na ito at ang kanyang mega producer na asawang si Donna Villa. Dahil naniniwala silang dehins pa talaga patay ang industriya ng komiks sa ating bansa, naglibot ang mag-asawa via Komiks Karavan sa buong Pinas at nalaman nila na higit noon ay mas kailangan ngayon ng mga utoy at ineng natin ang pagbabasa. Ang mga kabataan sa panahon namin ay lubhang nahilig sa komiks kaya sa musmos na gulang ay natuto na kami ng pagbabasa (at wastong pagbigkas) ng tagalog at may mga nabubuong kuwento sa isip namin na siya marahil ang dahilan kung bakit kami nahilig rin sa pagsusulat.

Ngayon ay nabobobo na ang kabataan sa mali-maling paggamit ng spelling sa English man o Pilipino dahil sa texting (pati kaming mga manunulat ay aminado na nalilito na sa tamang baybay). Kaya ang komiks ang isa sa paraan para muling maibalik ang tamang baybay at posibleng maituwid ang nabobobo at naboboba na nating mga utoy at ineng sa spelling.

Pero dehins lamang ganito ang layunin ng hari ng komiks kaya siya nagpasyang mag-caravan. Hinikayat niya ang mga naninirahan sa mga liblib na pook ng Pinas na muling magbasa at bilang ganti naman nila ay naman hinikayat nila si Direk Carlo J. na ibalik nito ang komiks sa presyong abot-kaya ang halaga. Ten pesos? May komiks ka na? Aba !

Ito ang resulta, compromised deal sa pagitan ng Sterling Publication, ni Direk Carlo J. at Tita Donna, ni Pangulong Gloria Arroyo, ni MMDA Chairman Bayani Fernando, ng lahat ng print media dealers sa buong Pilipinas at ng mga taong mambabasa na nakahalubilo ng Hari ng Komiks sa Karavan. Isang kasunduang maglalathala ang Sterling ng Carlo J. Caparas’ Komiks (Filipino Klasiks, Super Funny, OFW, Gwapo, at Tagalog Klasiks), habang nilikom naman ni Direk Carlo J. ang lahat ng beterano at premyadong manunulat at debuhista at ang mga baguhang hahasain nila para sa panibagong sigla ng komiks sa bansa, susuportahan ni Pangulong Gloria ang industriya, pinayagan naman ni Chairman Fernando na magbenta sa mga bangketa ang mga komiks retailers, nangako ang lahat ng dealers na magiging matapat sila sa distribution and sales at magtatagumpay ang lahat kapag tutuparin naman ng mga mambabasa ang pangakong babalik sila sa hilig sa komiks.

Super hebigat talaga kapag Carlo J. Caparas ang kumilos. Siya at siya lamang ang tanging artist na may utak din pagdating sa business. Aba’y sino ang susugal na mag-iikot sa buong kapuluan (Cebu, Iloilo , Bacolod , Boracay, Silay, Bohol , Bulacan at marami pang probinsiya) para alamin kung sinu-sino na ang magbabasa, anu-ano na ang kailangang basahin, paano pa ba kinikilala ang komiks, at saan na ba dapat simulan ang proyektong ito?

Kaya dehins nagtataka si TsongkiBenj kung bakit sinuportahan siya ng lahat ng sangkot sa industriyang ito at pati ang mag-asawang Sen. Heherson Alvarez at Cecille Guidote-Alvarez at nangako rin na magtuturok sila ng kamalayang-pangkalikasan sa mga komiks na ihahain ni Direk Carlo J. sa mambabasa. Isyung higit na kailangan natin, mga utoy at ineng, dahil unti-unti pero dinidedma natin ang global warning. Tag-ulan na nga, alaws pa rin tayong tubig 24/7 di ba naman? Pati kuryente nababawasan dahil kapos na sa paggiling ang hydrothermal plants, inakupo!

Siyempre dehins naman mawawala ang entertainment values ng mga nobelang nilikha ni Direk Carlo J. gaya ng ‘Gagambino,’ “Ang Hiwaga ng Kadena de Amor,” “Beauty Queen,” “Andres De Saya,” “Panday Kid” at “Blanco Negro.”

May mga bagong obra rin sina Gilda Olvidado (Daan Patungong Langit), Rod Santiago (Elastika at Bangaw), Joe Lad (Maximo, Kamao ng Maso at Mundo at Langit), Nerissa Cabral (Pagkislap ng Tala) at Elena Patron (Sukob sa Puso).

Ang pagbabalik ng Hari ng Komiks sa Pilipinas ang tunay na proyektong dapat tutukan ninumang kasapi ng alinmang sektor ng lipunan hanggang sa tahanan. Oposisyon at administrasyon, overseas workers at Pinoy enterprenuers, kapitalista at manggagawa, mag-aaral at mga guro, magulang at mga anak.

“Hindi lang kultura, hindi lang literatura, kundi pati edukasyon ay napapaloob sa pagbabalik ng komiks,” pahayag ni Carlo J. Caparas.


Responses

  1. Gusto ko po sanang malaman kung papaano ang pag apply ng francise para sa pagbabalik ng Komiks ni Carlo J. Caparas. Marami pong salamat

  2. Nakakatuwa kasi may mga tao pa ring tulad ni Carlo J na may pagmamalasakit pa rin sa kinaugaliang basahin ng mga Pilipino noon. Kaya nga isinama ito sa “Pop Culture” hindi ba?

    Sana’y magtagumpay ang kanyang layunin. Ito rin ang aking hiling sa aking blog.

    Saludo ako.

  3. Tungkol po doon sa muling pagbuhay ng komiks , ako po ay interesado sa layunin ni G. Carlo J. Caparas. Isa po akong ilustrador at may maganda po akong istoryang binubuo ngayon. Maari nyo po ba akong tulungan G. Carlo Caparas upang mapansin po ang talento ng gaya Kong Probinsyano. Hindi po kayo magsisi sapagkat nanalaytay po sa aking katauhan ang isang tunay na alagad ng sining.

    Ako po pala si Danjie Mongaya, 24, Blk.36 Lot 20 Tibungco Relocation, Tibungco Davao City.Estudyante po ako ng University of Southeastern Philippines dito sa Davao City.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: