Posted by: thecommuterexpress | July 26, 2007

Demonyong duwag!

Ni Raffy Tulfo

 

TATLONG magkasunod na text messages ang natanggap ko noong Martes ng hapon mula sa isang prepaid cellphone number at ang texter ay nagpakilala sa pangalang SPO2 Sergio Antonino. Sinabi ng naturang texter na huwag na raw akong pumasok sa aking programa sa DZXL dahil kapag ako ay nagpumilit, iyon na ang magiging huling araw ko sa mundo. Kung si SPO2 Sergio Antonino nga talaga ang nagpadala ng mga nasabing banta, sino ang taong ito?

Noong nakaraang linggo, ang Security Guard na si Ronnie Quilino ay personal na dumulog sa aking programa upang magpasaklolo. Kalalabas lamang ni Quilino ng ospital pagkatapos ng tatlong buwan niyang pagkakaratay doon, hirap at halos hindi pa ito makalakad. Inere ko ang kanyang sumbong.

 

Noong April 15, si Quilino sakay ng isang motorsiklo kasama ang isa niyang katrabaho ay nakagitgitan sa trapik ang isang kotse sa may Baclaran. Pagbaba pa lamang ng driver ng kotse, nakabunot na agad ang baril nito at sabay na kinapkapan silang dalawa at kinuha ang kanilang mga gamit pati na ang susi ng motor.

 

Nang pumunta ang lalaki sa kanyang kotse, sumunod ang dalawa at nagmakaawa sila dito na kahit ang susi na lamang muna ang isoli para sila ay makahabol pa sa kanilang duty. Pero walang sabi-sabi, biglang pinapu-tukan ng lalaki ang kasama ni Quilino. Sabog ang ulo nito at dead on the spot.

 

Nang makita ni Quilino ang sinapit ng kanyang kasama, kumaripas siya ng takbo papalayo. Pero hinabol siya ng lalaki at pinagbabaril habang inaasinta ang kanyang ulo. Sa kabutihang palad hindi siya nasapul sa ulo. Pero tumama ang isang ligaw na bala sa likod ng kanyang hita. Nang makita ng lalaki na bumagsak si Quilino, lumakad na ito na parang walang nangyari.

* * *

‘Di naglaon, napag-alaman ni Quilino na ang taong pumatay sa kanyang kasama at bumaril sa kanya ng patraydor ay isang pulis pala—si SPO2 Sergio Antonino na miyembro ng Parañaque PNP. Sinampahan ng kasong homicide at frustrated homicide si Antonino ng mga kasamahan niyang pulis Parañaque. Mabilis siyang nakapagpiyansa at ngayon ay nagdu-duty na.

 

Unang-una, SPO2 Antonino, kung ikaw talaga ang nagpa-dala ng banta, isa kang demonyong duwag. Kaya mo pinagbabaril na parang mga manok ang iyong mga biktima dahil alam mong hindi sila armado at walang panlaban. Subukan mong puntahan ako sa aking programa 2:00-4:00p.m., Lunes hanggang Biyernes at doon ka magpakita ng iyong kademonyohan. Tingnan natin kung may maibubuga ka. At pangalawa, eh banban at duling ka pala. ‘Di ka pala asintado. Nakakasapul ka lang ng tama kapag nakatalikod ang iyong binabaril at isang pulgada lamang ang layo, pwe!

 

Siya nga pala Antonino, isang kabalahibo mo, si SPO2 Ernesto Santos na namaril ng kanyang mga kapitbahay sa Valenzuela at isinumbong sa aking programa mahigit isang buwan na ang nakakaraan, tulad mo ay nagpadala rin ng kung anu-anong banta ngunit hanggang satsat lang pala siya. Ang mga taong tulad n’yo ni Santos ay mga sertipikadong duwag dahil kapag alam ninyong may panabla ang inyong kalaban, bumabahag ang inyong mga buntot at naiihi kayo sa inyong mga suot na t-back na hiniram n’yo pa siguro sa inyong mga boyfriend.

* * *

Tulad ng sa reklamo laban kay Santos, ang sumbong laban kay Antonino ay personal ko nang ipinarating sa tanggapan ni Gen. Geary Barias ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) na kasalukuyan ay iniimbestigahan na ang kaso.

 

Napansin ng tanggapan ni Barias na mali ang kasong isinampa kay Antonino kung kaya’t papalitan nila ito ng murder at frustrated murder mula homicide at frustrated homicide. Kakasuhan din ng DIDM ang mga boss ni Antonino dahil sa halip na dis-armahan at suspendihin ito, pinayagan nilang makapag-duty pa ang kanilang mamatay taong pulis.

 

Para sa inyong sumbong at reklamo magtext sa 09159889332 o 09182921533. Maaari rin kayong mag-email sa raffytulfo @pldtdsl.net.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: