Posted by: thecommuterexpress | July 25, 2007

Pirma na lang ang kulang sa paglipat ni Angel ng network

PIRMA na lang ang kulang at selyado na ang paglipat ni Angel Locsin sa ABS-CBN 2, ang kakompetensiyang TV Network ng GMA 7 na siyang nagpasikat at nagpaningning sa career ni Angel.

Kinumpirma na ni Becky Aguila, manager ng aktres na pagbalik ni Angel buhat sa London ay pipirma na ito ng kontrata at magtatrabaho na sa Dos.    

Pero, ayaw magpaapekto ng Siyete sa paglipat ni Angel at tila deadma sila sa pangyayaring ito. Ang konsentrasyon kasi ng Kapuso Network ay ang palakasin pa ang kanilang mga programa para mapanatili nila ang pagiging number-one TV station ng bansa.

Sa puntong ito, ang tiyak na makikinabang sa pag-alis ni Angel sa Siyete ay ang mga aktres na tulad nina Marian Rivera (na ilulunsad na via the remake of Marimar), Katrina Halili, Ehra Madrigal, Nadine Samonte, Yasmien Kurdi, Iza Calzado at iba pa.

Hindi ko na binanggit ang pangalan ni Jennylyn Mercado sa mga aktres na mas pasisikatin pa ng GMA-7 dahil alaga rin siya ni Becky. Halos sigurado nang kapag natapos ang kontrata ni Jennylyn sa Siyete ay bibitbitin din nito ang aktres sa bakuran ng Dos.

Kaya, bakit pa nga naman ito pag-aaksayahang bigyan ng mga bida role ng GMA-7 kung ang makikinabang lang sa bandang huli ay ang Kapamilya Network?

Although may kontrata pa si Jennylyn sa Kapuso Network at sigurado namang may mga proyekto pa siya rito, hindi wise na patuloy pa nila itong i-build-up at gawing bida sa mga primetime program nila.

* * *

Marami ang naiintriga at nagtatanong sa amin kung sino ba talaga ang tinatawag na Manager sa Itaktak Mo O Tatakbo portion ng Eat Bulaga. Sa totoo lang, pati kami ay naiintriga rito kay Manager kaya’t nag-text kami sa lady executive ng EB na si Ms. Malou Choa-Fagar sa tunay na identity nito.

Pero ayaw pang sabihin ni Ms. Malou kung sino talaga ang misteryosang si Manager na laging boses lamang ang naririnig. Actually, last Saturday ay nagkaroon ito ng special dance portion sa Dabarkads ng EB pero nakatalikod at hindi ipinakita ang mukha. Seksi si manager, may boses, at tila datihan na sa showbiz. Sanay na sanay na kasi itong magsalita o mag-host sa TV at marunong pang makipagbatuhan ng jokes sa mga host ng EB.

Biniro pa nga namin si Ms. Malou kung ito bang si Manager ay si Janelle Jamer na umalis sa kalaban nilang programa. Pero negative ang sagot sa amin ng lady boss ng EB.

Ayon sa text sa amin ni Ms. Malou, hindi taga-showbiz si Manager at matagal pa bago nila i-reveal ang identity nito.

Kaya let’s wait and see na lang kung sino nga ba itong tinutukoy na Manager sa EB.

* * *

Panalo ang kumbinasyong Judy Ann Santos at Jolina Magdangal dahil tiyak na kikita ang kanilang pelikulang Ouija mula GMA Films.

Napanood namin ang pelikula sa special screening nito sa SM North Edsa at nagtagumpay ang director nitong si Tofel Lee para matakot ang mga manonood. Naiiba ang local horror film na ito sa mga napanood na namin. Hindi na kasi kailangang sumigaw din ang mga artistang bida rito para makapanakot.

Manghihilakbot tiyak ang manonood nito at hahangaan ang bawat artistang nagsipagganap dahil nagpakita ng kanya-kanyang galing. Kahit sina Iza Calzado at Rhian
Ramos ay hindi lumaylay ang acting at hindi nagpa-iwan kina Juday at Jolens, talagang nakipagsabayan sila sa dalawa.

Kapansin-pansin nga ang magandang pagkakaganap dito ni Iza na pinalakpakan ng mga manonood dahil convincing sa natokang role gayundin si Rhian.

Anyway, kung gusto ninyo ng maganda at naiibang horror movie, manood na ng Ouija.

* * *

Nagsulputan na naman ang napakaraming banda pero lalo itong iinit sa paglabas ng Frio na ang musika ay pop-alternative genre na may unmonochromatic variety of melodies at ang arrangement ay tumutukoy ukol sa love, truth, hope, desperation at iba pa.

May tatlong vocal talents ang Frio na nagbibigay ng iba’t ibang blend ng music. Binubuo ng walong miyembro ang Frio, sila’y sina Alain Echem, Christopher Sison, at Sherila Taup (mga vocal); Archie Lim (lead guitar); Christian Quiambao (rhythm guitar); Tristan Climaco (keyboards); Raz Itum (bass); at Marvin Salazar (drums).

Ang grupo ay nakapag-release na ng kanilang debut album mula sa Alpha Music. Ito’y kinapapalooban ng sampung awitin kasama na ang carrier single na Alive. Ang awiting ito’y tungkol sa isang lalaking naghahanap ng pagmamahal at pagtanggap kahit na sino pa man siya.

Nag-umpisa ang Frio sa pagtugtog-tugtog sa ilang campus sa Zamboanga City. Nabuo sila noong nasa Sekondarya pa lamang na tumutugtog-tugtog sa kanilang school events at ilang special functions. Nagkaroon ng pagkakataong makatugtog sa isang maliit na bar at doo’y naimbitahan sa isang local radio. Simula roon ay marami na ang humihiling na sila’y tumugtog tulad ng mga campus sa Zamboanga.

Sumali rin ang grupo sa ilang band competitions na pinanalunan naman nila. Ang pinakamalaking nakuhang tagumpay ng grupo ay nang sumali noong 2004 sa isang city band competition at nang maging runner-up sa SMB Jinggaling Contest Regional Finals.

Dito na nagsimula ang kabi-kabilang offer sa Frio at pagkaraan ay ang pagkakaroon na nga ng album.

Nakapaloob din sa album ang mga awiting Nasan Ka Na, E, Himig, Breathe, Parapa, Baby, Could Have Been, Let Him Go, at Why.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: