Posted by: thecommuterexpress | July 23, 2007

Ang tawag na hindi ko malilimutan…

Ni France Misa

NITONG nakaraang linggo, ako ay nakatanggap ng tawag mula sa kaibigan ng aking anak. Itago na lang po natin siya sa pangalang Anna. Kaklase siya ng anak ko noong sila ay nasa high school pa lamang. Madalas kong makita at makausap si Anna noong mga panahon na iyon. Nakasama ko na rin sila sa beach, mga isa’t-kalahating taon na ang nakalilipas. Mababait ang mga batang ito, magalang at masisipag mag-aral.

Bakasyon noong nagpunta kami sa Batangas kasama ang buong barkada ng aking anak sapagka’t kaga-graduate lang nila ng high school. Magkakahiwalay na sila sa susunod na pasukan sapagkat sila ay magka-college na.

Isang gabi sa beach, nagkaroon ako ng pagkakataong kausapin sila. Sinabi ko sa buong barkada na gusto kong maging kaibigan din nila na pwedeng lapitan kung mayroon silang problema o kaya’y kailangan lang nila ng kausap o opinion tungkol sa mga bagay-bagay na hindi nila masabi sa kapwa kaibigan o sa kanilang mga magulang.

Ang naging topic ng usapan namin ay tungkol sa pagiging independent. Lalong-lalo na kapag mayroong gustong gawin ang barkada ngunit sa tingin mo ay hindi ito tama. Dapat ay magkaroon ang bawat isa ng paninindigan at hindi kinakailangang gawin ito para lamang sa kanilang samahan. Hindi dapat mapilitan ang isang tao para lang masabi na siya ay kabarkada, nagkataon lamang na mayroon siyang ibang opinyon tungkol sa bagay na iyon, at dapat itong igalang ng iba. “Peer pressure” ang tawag dito.

Mayroon kasing mga taong na ang akala nila ay dapat lamang silang sumunod sa kagustuhan ng iba. Mayroon naman diyan na ang kakayahan ay mamuno.

Ngunit lahat tayo ay may kakayahang sumunod at mamuno sa paraang tayo lang ang nakakaalam. At ito ay nalalaman lang natin kapag tayo ay nahaharap na sa mga sitwasyong dapat tayong magdesis-yon kung ano ang makabubuti para sa atin. Kapag alam mo na tama ka, basta wala kang ibang sinasaktang tao, lalong-lalo na ang sarili mo, lakasan ang loob at manindigan. Hindi porke’t ginagawa ng iba ay dapat mo ring gawin.
Sinabi ko rin sa kanila na habang nandyan ang mga mahal nila sa buhay ay ipaalam natin sa kanila na mahal natin sila. Sapagkat hindi natin alam kung hanggang kailan natin sila makakasama. Makakatulong ito sa inyong pagsasamahan.

Dahil dito ay naging malapit kami sa isa’t-isa. Para kaming magkakabarkada. Open sila sa akin, kahit na paminsan ay nagugulat na lamang ako sa kanilang mga sinasabi. Tulad ng tawag ni Anna, ito ay tungkol sa kanyang kalagayan. Natatakot siya dahil hindi pa siya dinadatnan ng kanyang monthly period. Hindi ako makapaniwala sa narinig ko.

Nablangko ang utak ko pero punong-puno ito ng ibat ibang haka-haka.

Kaagad akong humingi ng tulong sa Panginoon upang makapagbigay ng tamang payo kay Anna na itinuring ko na ring parang isang anak. Tinanong ko sa kanya ang mga detalye kung bakit niya nasabi na siya ay nagdadalang tao. Delayed daw siya pero base sa ibang mga detalye, napakaaga pa para malaman ito, at kung tama ang bilang namin ay safe yung araw kung kailan sila nagtalik. Pero ‘di rin natin masasabi sapagkat iba-iba naman ang sitwasyon ng bawat isa. Medyo nakahinga ako sapagkat ang palagay ko ay hindi nga siya nagdadalang tao.

Ang nararamdaman niyang mga simtomas ay dala marahil ng matinding nerbiyos at takot sa pwedeng mangyari dahil sa kanyang naging kapabayaan. Lalong-lalo na ang takot sa kanyang mga magulang.

Ako naman ay na-touch sapagkat naalala niya ang sinabi ko sa kanila na lumapit sa akin kapag kailangan nila ng tulong. Sa ngayon ay naghihintay kami ng tamang oras para magpa-pregnancy test siya. Abangan na lamang ninyo ang susunod na kabanata sa buhay ni Anna. Ipagdasal natin ang mga kabataan at ang mga magulang na tulad ko na gabayan ng Panginoon at iligtas sa kahit na anong kapahamakan.

Para sa inyong opinyon, reaction at mga katanungan, i-text lamang po ako sa 09206664744. O kung meron kayong kuwentong gustong i-share sa akin, i-email n’yo ako sa frmexpressyourself @gmail.com. Huwag niyo pong kalimutan ang mga detalye kapag kayo ay nag-text sa akin, kagaya ng pangalan, edad, istasyon kung saan nakuha ang kopya ng Commuter Express na inyong nabasa. At kung nagtatrabaho ay saan? At kung estudyante ay saan naman puma-pasok? at ang opinyon o reaction sa ibinahagi ko sa inyo. Salamat po. God bless us all!


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: